--Ads--

Kinuwestiyon ni Senator-Judge Robin Padilla ang kaalaman ni state auditor Roderick Wamil hinggil sa terorismo at mga usaping may kaugnayan sa pambansang seguridad.

Si Wamil, na dating nakatalaga sa Commission on Audit (COA) Intelligence and Confidential Funds Audit Office, ay tumestigo tungkol sa audit findings sa paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).

Sa pagpapatuloy ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, tinanong ni Padilla si Wamil kung nakapunta na ito sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Bicol Region, at iba pang bahagi ng Mindanao, kabilang ang mga liblib na lugar na nakararanas ng kakulangan sa pagkain at gamot.

Sinabi ni Wamil na nakarating na siya sa ilang bulubunduking lugar, ngunit hindi niya personal na naranasan ang mga sitwasyong binanggit ng senador. Dahil dito, sinabi ni Padilla na hindi umano sapat ang exposure ng auditor sa mga naturang kondisyon.

--Ads--

Tinanong din ng senador si Wamil kung pamilyar siya sa mga grupong ISIS, Abu Sayyaf, at New People’s Army (NPA). Sumagot ang auditor na ang kanyang kaalaman tungkol sa mga ito ay mula lamang sa mga nababasa niya sa pahayagan.

Ipinaliwanag naman ni Wamil na hindi imbestigasyon ang tungkulin ng COA kaugnay ng confidential funds. Aniya, layunin lamang ng ahensya na tiyaking nasusunod ang mga umiiral na alituntunin sa pagli-liquidate at pag-uulat ng paggamit ng pondo.

Kinuwestiyon din ni Padilla kung pinal na ba ang mga audit observations na inilabas ng COA. Nilinaw ni Wamil na ang Audit Observation Memorandum (AOM) ay bahagi lamang ng paunang yugto ng audit process ng komisyon.

Sa huli, iginiit ng senador ang kahalagahan ng confidential funds at confidential agents sa pagtugon sa mga banta sa seguridad.

Sumagot naman si Wamil na ang pangangailangan sa confidential funds ay nakadepende sa mandato at tungkulin ng bawat ahensya ng pamahalaan.