Itinuturing nang person deprived of liberty o PDL si dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez matapos siyang silbihan ng arrest warrant habang naka-confine sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City nitong Lunes, Setyembre 7.
Kinumpirma ni Interior Secretary Jonvic Remulla na binasahan si Romualdez ng kanyang mga karapatan at isinailalim sa booking procedure matapos isilbi ang warrant na inilabas ng Sandiganbayan Third Division.
Nakaantabay naman ang mga armadong pulis sa labas ng kanyang silid at iba pang bahagi ng ospital habang mino-monitor ang kanyang kondisyon.
Ayon kay Remulla, dinala sa ospital si Romualdez dahil sa umano’y cardiovascular event, hindi stable na blood pressure at anxiety attack. Patuloy siyang sinusuri ng mga doktor ng PNP kasama ang kanyang attending physicians.
Naglabas ang Sandiganbayan ng arrest warrant laban kina Romualdez, dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co, Joselyn Tragua Serenio at Felicito Cristobal Guevarra matapos silang kasuhan ng Ombudsman ng plunder kaugnay ng umano’y kickback scheme sa flood control at iba pang proyekto ng gobyerno.
Batay sa kaso, inaakusahan sina Romualdez at Co na tumanggap umano ng commissions, kickbacks at iba pang benepisyo sa hindi bababa sa 15 pagkakataon, na nagkakahalaga ng hindi bababa sa ₱7.44 bilyon.
Nilinaw ng Sandiganbayan na ang arrest warrant ay batay lamang sa probable cause at hindi nangangahulugang napatunayan na ang pagkakasala ng mga akusado.
Naghain naman ang kampo ni Romualdez ng mosyon na payagan siyang manatili sa ospital sa ilalim ng kustodiya habang nagpapatuloy ang kanyang inpatient treatment.
Iginiit ng kanyang abogado na haharapin ni Romualdez ang mga alegasyon alinsunod sa due process at patas na paglilitis. Patuloy ding imo-monitor ng mga awtoridad ang kanyang kondisyon bago siya iharap sa korte o ilipat sa detention facility.










