Inatake ng Russia ang kabisera ng Ukraine na Kyiv gamit ang missiles at drones, sa isang malawakang opensiba na yumanig sa iba’t ibang bahagi ng lungsod kabilang ang malapit sa mga gusaling pamahalaan, mga residential area, at mga paaralan.
Ayon sa mga lokal na awtoridad, hindi bababa sa 10 katao ang nasugatan sa paunang ulat. Nagpatuloy ang air raid sirens sa buong magdamag habang makapal na usok ang bumalot sa ilang bahagi ng lungsod dahil sa sunud-sunod na pag-atake.
Iniulat ng mga mamamahayag ng Associated Press ang malalakas na pagsabog na narinig malapit sa city center at mga government buildings habang nagpapatuloy ang pag-atake.
Ayon sa Kyiv military administration, tinamaan at napinsala ang hindi bababa sa siyam na distrito ng kabisera, kabilang ang mga residential building.
Sa Shevchenko district, nasira ang isang paaralan habang may mga tao pa umanong nasa loob nito na nagkukubli sa panahon ng pag-atake, ayon kay Mayor Vitalii Klitschko. Naitala rin ang pinsala sa ilang supermarket at warehouse sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.
Ayon sa regional authorities, may naitalang pinsala rin sa iba pang mga komunidad sa Kyiv region.
Nauna nang nagbabala si Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy na posibleng gumamit ang Russia ng hypersonic Oreshnik ballistic missile batay sa intelligence mula sa United States at mga kaalyado, ngunit hindi pa kumpirmado kung nagamit ito sa naturang pag-atake.Sinabi ng Ukraine Air Force na nananatili ang banta ng karagdagang missile at drone attacks habang patuloy ang air alert sa bansa.











