Hindi nagpadaig ang isang Criminology graduate sa mga distractions at problemang hinarap niya upang makapasa at maging Top 2 sa katatapos na Licensure Examination for Criminologists.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Tony Ong Dinamling mula sa Ifugao State University-Lamut Campus, sinabi niya na naging napakahirap ng kanyang pinagdaanan dahil sa mga pagsubok sa panahon ng pagrereview.
Matatandaang nanalasa ang bagyong Uwan sa Northern Luzon noong Nobyembre 2025, at isa sa pinakanaapektuhan ay ang lalawigan ng Ifugao. Apektado ang kanyang review dahil sa halos isang buwang pagkawala ng tustos ng kuryente, na nagpatindi sa hirap ng pag-online para mag-review.
Aniya, nahirapan siya sa stress at burnout, kaya karamihan sa pagrereview ay sa gabi lamang ginagawa at tila hindi agad natatandaan sa kanyang utak ang mga binabasa. Nang sumapit ang Enero, mas lalo siyang nakaramdam ng kaba at takot dahil pakiramdam niya ay hindi pa siya handa sa pagsusulit. Sa kabila nito, pinilit niyang magpokus at ginawa niyang regular at masinsinan ang kanyang pag-aaral.
Sa araw ng pagsusulit, nahirapan pa rin siyang magpokus dahil sa antok at kaba. Nakaranas siya ng ilang sandaling pagkakaidlip habang sumasagot sa exam paper. Napansin niya na tila narerefresh ang kanyang isip sa mga sandaling nagigising at unti-unti nang nasasagot ang mga tanong sa exam.
Sa tatlong araw ng pagsusulit, ipinagpasa-Diyos na lamang niya ang sitwasyon at ipinagpatuloy ang pagsagot hanggang sa matapos ang exam. Pagkatapos nito, nakahinga siya ng maluwag, ngunit hindi nagtagal dahil muling bumalik ang kaba habang hinihintay naman ang resulta.
Nang lumabas ang resulta, hindi niya agad ma-access ang website ng Professional Regulation Commission dahil sa mahinang signal sa kanilang lugar, kaya naghintay na lamang siya ng updates mula sa mga kakilala. Sa wakas, may nagsend ng larawan sa kanyang ama na nagsasabing siya ay Top 2 sa pagsusulit. Laking tuwa niya nang makita ito at lubos na ipinagpasalamat sa poong Maykapal ang kanyang tagumpay.
Payo niya sa mga nagnanais ding kumuha ng pagsusulit na magkaroon ng matibay na foundation mula pa sa simula ng kolehiyo at pagpasok sa Criminology course. Magagamit aniya ang mga natutunan mula unang taon hanggang pagtatapos upang maging handa sa examination.
May maitutulong man ang mga review centers at self review, ito ay pang polish lamang sa mga natutunan sa apat na taong pag-aaral sa kolehiyo.
Aniya, ang masusing pag-aaral at ang hindi pagpapadaig sa mga hamon sa buhay ang tunay na susi ng tagumpay.











