Tinanggihan ng Sandiganbayan ang mosyon ni dating House Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez na alisin ang Precautionary Hold Departure Order (PHDO) na ipinataw laban sa kanya kaugnay ng pagkakasangkot umano nito sa flood control scandal sa bansa.
Sa pitong pahinang resolusyon na inilabas noong Hunyo 1, ibinasura ng anti-graft court ang mosyon dahil sa kawalan ng merito. Ipinaliwanag ng korte na may ilang mga circumstances na nagpapakita ng intensyon ni Rep. Romualdez na takasan ang pag-aresto at ang pag-uusig sa kinakaharap nitong kaso.
Ang PHDO ay unang inilabas ng korte upang matiyak na hindi makakalabas ng bansa ang dating opisyal habang gumugulong ang imbestigasyon ng Ombudsman sa bilyon-bilyong pisong pondo na inilaan umano sa mga kuwestiyonableng proyekto laban sa baha. Giit ng Sandiganbayan, nananatiling mataas ang “flight risk” o tsansa ng pag-alis ng mambabatas dahil na rin sa kanyang yaman, impluwensya, at malawak na koneksyon sa labas ng bansa.
Matatandaang sumiklab ang kontrobersya matapos madiskubre sa mga pagdinig sa Kongreso ang bilyong pondong napunta sa mga “ghost projects” at mga sub-standard na flood control infrastructure na nabigong pumigil sa malawakang pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng Luzon at Visayas.
Mariing itinanggi ni Romualdez ang mga paratang at sinabing politikal lamang ang motibo sa likod ng mga kaso, ngunit sa desisyong ito ng Sandiganbayan, mananatili ang kanyang pangalan sa lookout bulletin ng Bureau of Immigration na nagbabawal sa kanyang bumiyahe palabas ng Pilipinas nang walang pahintulot mula sa korte.










