Nanatiling kabilang sa mga akusado sa kasong graft si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan matapos ibasura ng Sandiganbayan ang hiling ng Office of the Ombudsman na alisin siya sa kaso at gawing state witness.
Sa 12-pahinang resolusyon ng Sandiganbayan Second Division, tinanggihan ng anti-graft court ang mosyon ng prosekusyon na maghain ng amended information o binagong sakdal kaugnay ng flood control scandal.
Layunin ng Ombudsman na alisin si Bonoan bilang akusado upang magamit siyang state witness sa mga kasong may kaugnayan sa umano’y katiwalian sa mga flood control project.
Gayunman, nilinaw ng Sandiganbayan na maaari pa ring ituloy ng Ombudsman ang plano nitong gawing state witness si Bonoan sa angkop na yugto ng paglilitis.
Nauna nang sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na nais ng kanyang tanggapan na tumestigo si Bonoan sa mga kasong iniuugnay kay dating House Speaker Martin Romualdez. Itinanggi naman ng kampo ni Romualdez ang mga alegasyon at sinabing pinipilit umano si Bonoan na magbigay ng ebidensiya laban sa mambabatas.
Kaugnay ng kaso, nais sana ng prosekusyon na si Senador Jinggoy Estrada na lamang ang manatiling akusado sa paglabag sa Section 3(e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act dahil sa umano’y pagtanggap ng P213.75 milyong kickback mula sa dalawang proyekto ng DPWH sa Bulacan.
Ayon sa binagong sakdal na nais ihain ng prosekusyon, si Estrada umano ang nagpasok ng dalawang proyekto sa 2025 national budget, direkta man o sa pamamagitan ni Bonoan.
Mariin namang tinutulan ng kampo ni Estrada ang naturang hakbang, na anila’y isang malaking pagbabago sa kaso dahil inaalis nito ang alegasyon ng sabwatan at iniiwan si Estrada bilang nag-iisang akusado.
Sa desisyon ng hukuman, sinabi nitong maaaring maapektuhan ang karapatan ni Estrada kung papayagan ang pagbabago sa kasalukuyang yugto ng paglilitis.
Samantala, nananatili sa ilalim ng hospital arrest sa PNP General Hospital ang 80-anyos na si Bonoan habang nagpapatuloy ang pagdinig sa mga kasong kinahaharap niya.











