--Ads--

Isinasapinal na ng lokal na pamahalaan ng Santiago City ang mga paghahanda para sa pagpapatayo at pagpapatakbo ng isang libreng therapy center na magsisilbi sa mga batang may kapansanan sa lungsod.

Ayon kay Noradel Tad-o, Officer-in-Charge ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO) Santiago, nakita ng pamahalaang lungsod ang patuloy na pagdami ng mga batang nangangailangan ng iba’t ibang uri ng therapy tulad ng occupational therapy, speech therapy, vision therapy, at iba pang kaugnay na serbisyo.

Sinabi ni Tad-o na nasa huling yugto na ng paghahanda ang programa at inaasahang maisasakatuparan ito sa oras na makumpleto ang mga kinakailangang proseso para sa operasyon ng therapy center.

Batay sa rekomendasyon ng mga doktor, may mga batang kailangang sumailalim sa therapy nang dalawa o higit pang beses kada linggo. Dahil dito, malaking tulong ang planong libreng serbisyo upang mabawasan ang gastusin ng kanilang mga magulang at tagapag-alaga.

--Ads--

Target ng lungsod na maipagkaloob nang walang bayad ang mga serbisyong pang-therapy sa oras na maging ganap nang operasyon ang pasilidad.

Sa kasalukuyan, patuloy pang isinasapinal ng PDAO at ng lokal na pamahalaan ang mga kinakailangan para sa pagpapatakbo ng therapy center. Bukas din ang tanggapan sa mga indibidwal na nagnanais mag-apply at maging bahagi ng pagbibigay ng mga serbisyong pang-therapy sa Santiago City.