Inaasahang mabibigyang-lunas na ang matagal nang suliranin sa kakulangan ng suplay ng tubig sa ilang purok ng Barangay Balintocatoc matapos ilaan ng lokal na pamahalaan ng Santiago City ang 5 million pesos na pondo para sa pagpapatupad ng isang water system project.
Ayon kay Punong Barangay Jumer Dela Cruz, target na maipatupad ang proyekto sa susunod na buwan kasunod ng isinagawang pagsusuri upang matukoy ang posibleng mapagkukunan ng tubig sa lugar.
Aniya, pangunahing problema ng ilang residente ang kakulangan ng malinis at sapat na suplay ng tubig, lalo na tuwing tag-init kung saan natutuyo o humihina ang produksyon ng mga poso na pinagkukunan ng tubig ng mga mamamayan.
Ipinaliwanag ni Dela Cruz na nagsagawa kamakailan ng geophysical o radar survey upang matukoy ang eksaktong lokasyon ng underground water source. Matapos makumpirma ang pagkakaroon ng sapat na pinagkukunan ng tubig, nakatakdang simulan ngayong buwan ang drilling activities bilang bahagi ng paghahanda sa implementasyon ng proyekto.
Sinabi ng opisyal na inaasahang magbibigay ng pangmatagalang solusyon ang naturang water system sa problema sa suplay ng tubig sa barangay, partikular sa mga lugar na matinding naaapektuhan ng kakulangan nito tuwing panahon ng tag-init.
Dagdag pa niya, malaking ginhawa ang maidudulot ng proyekto sa mga residente dahil magkakaroon na sila ng mas maaasahan at tuloy-tuloy na access sa malinis na tubig para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Home Local News
Santiago City naglaan ng ₱5M para sa water system project sa Barangay Balintocatoc
--Ads--






