Nagpalitan ng pag-atake ang Saudi Arabia at Iran-backed Houthi fighters matapos bombahin ng mga eroplanong pandigma ng Riyadh ang mga target ng Houthi sa Yemen, habang gumanti naman ang Houthi gamit ang mga drone at missile na pinakawalan patungo sa ilang lungsod sa Saudi Arabia.
Ayon kay Houthi military spokesman Yahya Saree, kabilang sa kanilang tinarget ang oil port ng Yanbu at airbase sa Khamis Mushait sa southern Saudi Arabia. Hindi naman niya tinukoy kung kailan eksaktong isinagawa ang mga naturang pag-atake.
Samantala, sinabi ni Saree na umabot umano sa 450 ang airstrikes ng Saudi Arabia sa Yemen ngayong linggo. Kinilala rin ng Saudi-backed government sa southern Yemen na nagsasagawa ang kanilang pwersa at Saudi forces ng airstrikes laban sa mga target ng Houthi.
Inamin din ng Houthi na napabagsak nito ang isang Saudi F-15 fighter jet, ngunit wala itong agad na inilabas na ebidensya para suportahan ang naturang pahayag.
Kasunod ng paglala ng tensiyon, hinigpitan ng Estados Unidos ang travel warning nito para sa Saudi Arabia at pinagbawalan ang mga empleyado ng US government na bumiyahe sa loob ng 20 milya mula sa border ng Yemen.
Patuloy naman ang tensyon matapos paulit-ulit na magpakawala ng mga drone at missile ang Houthi patungo sa southern at western Saudi Arabia nitong nakaraang linggo.
Noong Martes, sinabi ng Saudi Arabia na napabagsak ng kanilang air defenses ang isang Houthi drone sa timog ng Mecca bago ito nakapasok sa restricted airspace ng banal na lungsod. Itinanggi naman ito ng Houthi at sinabing hindi nila target ang Mecca.











