--Ads--

Naglabas ng pahayag ang Korte Suprema kaugnay ng mga sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla sa pagdinig ng Senate Committee on Finance hinggil sa panukalang 2027 budget ng kanilang tanggapan.

Sa naturang pagdinig, binanggit ni Remulla ang umano’y pagkaantala sa justice system at ang mga kasong ibinasura ng Ombudsman na kalaunan ay binaliktad ng Court of Appeals.

Ayon sa Supreme Court, sang-ayon sila na dapat maging accountable sa publiko ang mga paglilitis sa lahat ng antas ng korte, alinsunod sa Konstitusyon.

Sinabi rin ng SC na seryoso nilang tinututukan ang mga alegasyon ng partiality, misconduct at katiwalian sa hudikatura. Gayunman, maaari lamang silang kumilos kapag may pormal na reklamo, sapat na ebidensiya, at pagkakataong makapagpaliwanag ang mga sangkot na hukom o mahistrado.

--Ads--

Dahil dito, hinikayat ng Korte Suprema si Remulla na pormal na magsumite ng reklamo at ebidensiya upang maimbestigahan ang mga alegasyon sa tamang proseso.

Binigyang-diin naman ng SC na kinikilala nito ang karapatan ng publiko na magpahayag at pumuna sa mga korte at kanilang mga desisyon, ngunit dapat idaan sa wastong proseso ang seryosong mga alegasyon.