Ipinahayag ng bagong City Director ng Santiago City Police Office o SCPO na si PCol. Edith Narag ang kanyang buong suporta sa implementasyon ng Project JUST o Judicial Utilization of Funds for Sustainability and Transparency na naglalayong higit pang palakasin ang transparency, accountability, at performance management sa hanay ng kapulisan.
Ayon kay Police Colonel Narag, layunin niyang ma-institutionalize sa SCPO ang mga mekanismong magtatakda ng malinaw na direksyon sa operasyon at performance ng bawat opisina sa pamamagitan ng mga programang nakatuon sa efficiency at accountability.
Ibinahagi rin nito ang planong pagpapatupad ng Good Housekeeping Project na magsisilbing internal framework para malinaw na ma-define ang roles at performance expectations ng bawat personnel, gayundin ang magiging batayan sa pagsusuri ng kanilang trabaho at output.
Samantala, ang Project JUST ay isang inisyatiba ng Police Regional Office 2 o PRO2 sa ilalim ng pamumuno ni PBGen. Mariano Rodriguez na opisyal na inilunsad nitong ika-14 ng Mayo sa Tuguegarao City.
Ang naturang programa ay isang web-based fund utilization monitoring system na idinisenyo upang i-modernize ang financial monitoring sa pamamagitan ng real-time tracking, centralized data management, at automated reporting system na layuning palakasin ang transparency at efficiency sa paggamit ng pondo.











