Isang Linggo makaalipas ang pagsisimula ng klase sa mga pampublikong paaralan ay nakakapagtala parin ang SDO Cauayan ng ilang mga suliranin gaya ng kakulangan parin ng pasilidad, gaya ng upuan, lamesa at maging kakulangan pa rin sa mga Guro.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Division Information Officer Gemma Bala, sinabi niya na ang naturang mga problema ay dahil parin sa lumolobong bilang ng mga enrollees.
Sa datos tinatayang nasa higit 35,000 na estudyante ang nakapag enroll ngayong school year sa iba’t ibang eskwelahan sa ilalaim ng SDO Cauayan.
Aniya, may ilan pa ring kagamitan at pasilidad na nangangailangan ng pagpapalit dahil sa kalumaan habang ang iba naman ay sumasailalim sa pagkukumpuni. Gayunman, sinabi nitong unti-unti ang pagbibigay ng suporta at patuloy ang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga paaralan.
Kaugnay naman ng implementasyon ng third term, sinabi ni Information Officer Bala na sa mga paaralang kanilang nabisita at sa mga ulat mula sa monitoring teams, wala pa silang natatanggap na negatibong feedback mula sa mga guro, magulang at mga mag-aaral.
Ipinaliwanag na may mga nakahandang suggested activities noong opening block at pinahintulutan ang mga paaralan na pumili ng mga gawaing naaangkop sa kanilang sitwasyon upang maging maayos ang transisyon.
Dagdag pa rito, simula ngayong linggo ay papasok na sa uninterrupted instructional block kung saan nakatuon na lamang ang mga guro sa pagtuturo at ang mga mag-aaral sa pag-aaral nang walang iba pang aktibidad na makaaantala sa klase.
Kaugnay naman ng mga tradisyunal na school events gaya ng Nutrition Month at iba pang programa, sinabi ng opisyal na kung maaari ay isasama na lamang ang mga ito sa classroom activities at hindi na magkakaroon ng malawakang programa sa buong paaralan.
Samantala, ang iba pang extracurricular activities tulad ng contests, trainings, seminars at pamamahagi ng report cards ay ilalaan sa tinatawag na end-of-term block na may nakatakdang sampung araw bago magsimula ang susunod na termino.
Pagdating naman sa grading system, sinabi ng opisyal na wala pang inilalabas na bagong kautusan ang DepEd kaugnay ng mga usapin sa pagbibigay ng parangal at grading policy kaya patuloy pa rin ang pag-aaral at pagbibigay ng impormasyon sa mga guro at paaralan hinggil dito.











