--Ads--

Nagsagawa ang Schools Division Office (SDO) Cauayan ng Alay Lakad at Adbokasiya Campaign bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Disability Rights Week upang higit pang mapalawak ang kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng pagsusulong ng karapatan at inklusibong pagtrato sa mga persons with disabilities o PWDs.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Criselda Corpuz, SPED Focal Person ng SDO Cauayan, sinabi niyang layunin ng programa na ipabatid sa buong komunidad na ang bawat bata ay may pantay na halaga at karapatang makatanggap ng edukasyon, paggalang, at suporta, anuman ang kanilang pisikal, intelektuwal, o iba pang kalagayan.

Aniya, hindi lamang mga mag-aaral ang saklaw ng adbokasiya kundi maging ang mga magulang, mga opisyal ng barangay, at iba pang sektor ng komunidad upang sama-samang maisulong ang isang lipunang inklusibo at malaya sa diskriminasyon laban sa mga batang may kapansanan.

Binigyang-diin pa ni Corpus na sa pamamagitan ng Alay Lakad at Adbokasiya Campaign, inaasahang higit na mauunawaan ng publiko ang mahalagang papel ng bawat isa sa pagtataguyod ng karapatan ng mga PWD at sa paglikha ng isang komunidad na nagbibigay ng pantay na oportunidad para sa lahat.

--Ads--

Sa pamamagitan ng naturang kampanya, umaasa ang SDO Cauayan na mas marami pang mamamayan ang makikibahagi sa pagsusulong ng inklusibong edukasyon at patuloy na pagpapahalaga sa dignidad, kakayahan, at karapatan ng bawat PWD.