Aktibong lumahok ang mga persons with disability (PWDs) sa iba’t ibang larong pampalakasan sa isinagawang 1st Para Sports Clinic ng City Government of Cauayan bilang bahagi ng ika-48 pagdiriwang ng National Disability Rights Week.
Layunin ng aktibidad na matukoy, malinang at mapaunlad ang kakayahan ng mga PWD athletes sa para sports upang magkaroon sila ng pagkakataong makilahok hindi lamang sa mga kompetisyong pang-eskwela tulad ng CAVRAA at Palarong Pambansa, kundi maging sa mga pambansa at pandaigdigang kompetisyon, kabilang ang Paralympics.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jonathan Galutera, Disability Affairs Officer, nakatuon ang Para Sports Clinic sa pagbibigay ng pagkakataon sa mga PWD na mapaunlad ang kanilang talento at kasanayan sa sports.
Sinabi niyang hindi lamang mga school-based athletes ang kabilang sa programa, kundi maging ang mga out-of-school youth na persons with disability.
Kabilang sa mga larong isinagawa ang para table tennis, kung saan naglaban ang mga kalahok sa iba’t ibang kategorya para sa kalalakihan at kababaihan.
Isinagawa rin ang para sitting volleyball, para darts at para athletics bilang bahagi ng pagsasanay sa iba’t ibang disiplina.
Binigyang-diin ni Galutera na ang programa ay hindi lamang nakatuon sa mga lokal na kompetisyon, kundi naglalayong ihanda ang mga PWD athletes para sa mas mataas na antas ng palakasan, kabilang ang mga pambansa at internasyonal na kompetisyon.
Samantala, nagpahayag naman ng suporta si Ginang Minda Ignacio, ina ng isa sa mga kalahok, sa pagsasagawa ng Para Sports Clinic.
Ayon sa kanya, mahalaga ang ganitong programa dahil nabibigyan nito ng pagkakataon ang mga PWD na maipakita ang kanilang kakayahan at mapaunlad ang kanilang kumpiyansa sa sarili.
Sinabi rin ni Ignacio na malaking bagay para sa mga magulang ang pagkakaroon ng mga aktibidad na nagbibigay ng pagkakataon sa kanilang mga anak na makilahok sa sports at malinang ang kanilang mga talento.
--Ads--









