--Ads--

Nilinaw ng Securities and Exchange Commission Ilagan Extension Office (SEC-ILAEO) kasabay ng pagsasabing wala umanong katotohanan ang mga paratang na nagsasabing sangkot ito sa pag-freeze ng mga account, pagpapahinto o pagsamsam sa mga asset ng Fidelity Capital Investment Group (FCIG) dahil sa patuloy na mga legal na isyu.

Batay sa inilabas na pahayag ng SEC-ILAEO, sa kabila umano ng pampublikong abiso na inilabas ng SEC laban sa FCIG, ang mga kinatawan ng grupo ay patuloy na nagsasagawa ng mga seminar at aktibidad sa recruitment, na hayagang lumalabag sa mga direktiba ng regulasyon.

Bunsod nito, ang SEC-Ilagan Extension Office (SEC-ILAEO) ay nagsumite ng kahilingan sa National Telecommunications Commission (NTC) noong ika-28 ng Enero 2026, para atasan ang mga Internet Service Providers (ISPs) para sa geo-blocking ng YEPBIT website.

Paliwanag pa ng SEC na ang geo-blocking sa website ay hindi nagbibigay ng control o access sa SEC upang I-freeze o samsamin ang mga financial assets kinokolekta ng mga administrador ng FCIG.

--Ads--

Ang hakbang na ito ay ginawa upang maiwasan ang mga bagong user, partikular ang mga bagong recruit ng FCIG, sa pag-download ng YEPBIT application at hindi pinapagana ang pangunahing tool na ginagamit para sa ilegal na pangongolekta ng mga pondo ng investment.

Iginiit ng SEC na sa ngayon, wala umanong rekord ng koordinasyon o konsultasyon ang isinagawa ng nabanggit na kumpanya sa tanggapan ng Komisyon at wala ring legal na naging hakbang upang mapawalang bisa ang Cease-and-Desist Order (CDO) laban sa FCIG.