Bumaba ang bilang ng mga Pilipinong itinuturing na mahirap ang kanilang pamilya sa ikalawang quarter ng taon, ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).
Batay sa pag-aaral na isinagawa mula Hunyo 20 hanggang 29, lumabas na 49 porsiyento ng mga respondent ang nagsabing mahirap ang kanilang pamilya, mas mababa kumpara sa 52 porsiyento na naitala noong Marso.
Ayon sa SWS, katumbas ito ng pagbaba ng tinatayang bilang ng self-rated poor families mula 14.5 milyong pamilya noong Marso tungo sa 13.6 milyon noong Hunyo. Samantala, tumaas naman sa 37 porsiyento ang nagsabing hindi mahirap ang kanilang pamilya mula sa dating 35 porsiyento.
Pinakamataas pa rin ang antas ng self-rated poverty sa Mindanao na nasa 61 porsiyento, sinundan ng Visayas na may 59 porsiyento. Naitala naman sa 41 porsiyento ang Balance Luzon habang 40 porsiyento sa Metro Manila.
Ipinakita rin ng survey na bumaba sa 36 porsiyento ang mga pamilyang nagsabing sila ay “food poor” o kapos sa pagkain mula sa 42 porsiyento noong Marso. Isinagawa ang survey sa 1,200 respondent sa buong bansa at may margin of error na ±3 porsiyento.










