--Ads--

Iginiit ng IBON Foundation na dapat maging tapat si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa tunay na kalagayan ng bansa at maglatag ng kongkretong hakbang upang matugunan ang lumalalang kahirapan, kawalan ng trabaho at patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa nalalapit na State of the Nation Address (SONA).

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jose Enrique “Sonny” Africa, Executive Director ng IBON Foundation, sinabi nitong mahalagang gamitin ng Pangulo ang SONA upang ilahad ang tunay na kalagayan ng ekonomiya at ang mga konkretong plano ng administrasyon sa paglutas ng mga pangunahing suliraning kinakaharap ng mga Pilipino.

Ayon kay Africa, kung hindi kikilalanin ng pamahalaan ang totoong sitwasyon ng bansa, mahihirapan din itong makapaglatag ng epektibong solusyon.

Binigyang-diin nito na batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) noong Marso 2026, umabot na sa 14.5 milyong pamilya o 52 porsiyento ng mga pamilyang Pilipino ang nagsabing mahirap sila, habang 6.5 milyong pamilya naman ang nakaranas ng gutom.

--Ads--

Aniya, malinaw na ipinakikita ng mga datos na patuloy na lumalala ang kahirapan sa bansa sa kabila ng mga ulat na lumalago ang ekonomiya.

Dagdag nito, mahalagang maging tapat ang Pangulo sa kanyang SONA sa pagtalakay sa tunay na kalagayan ng bansa upang makapaglatag ng mga konkretong solusyon sa mga problemang kinakaharap ng mamamayan.