--Ads--

Patuloy na tumatanggap ng suweldo si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa kahit ilang buwan na itong hindi pumapasok sa Senado, ayon kay Senate Presidente Pro Tempore Panfilo “Ping”  Lacson.

Sa isang panayam, sinabi ni Lacson na walang legal na batayan upang itigil ang suweldo ni Dela Rosa dahil hindi pa ito nadidismiss o natatanggal sa puwesto. Aniya, maaari lamang matanggal ang isang senador sa pamamagitan ng desisyon ng ethics committee kung may grave offense, final conviction sa korte, o may parusang perpetual disqualification.

Dagdag pa niya, maaaring repasuhin ng Senado ang kanilang mga panuntunan kaugnay ng patuloy na pagliban ng isang miyembro. Sa kasalukuyan, may umiiral na patakaran sa committee level kung saan nawawala ang membership kapag tuloy-tuloy ang pagliban, ngunit wala umanong malinaw na alituntunin pagdating sa plenary sessions.

Inaasahang tatalakayin ang sitwasyon ni Dela Rosa sa nakatakdang all-senators’ caucus sa Lunes.

--Ads--

Matatandaang hindi na dumadalo sa sesyon ng Senado si Dela Rosa mula pa noong huling bahagi ng nakaraang taon. Ayon sa mga ulat, hindi ito nagpapakita sa publiko matapos ihayag ni Jesus Crispin Remulla na naglabas umano ng warrant of arrest ang International Criminal Court kaugnay ng kampanya kontra droga ng nakaraang administrasyon.

Tinukoy din ng ICC sina Dela Rosa at Senador Christopher Lawrence “Bong” Go bilang mga co-perpetrators sa naturang kampanya.

Ayon kay Lacson, seryoso ang usapin at maaaring magkaroon ng consensus ang mga senador matapos ang caucus.