--Ads--

Isiniwalat ni Senador Ping Lacson ang dalawa sa umano’y ghost infrastructure projects sa Taguig City, na itinuturing na balwarte ni Senador Alan Peter Cayetano.

Sa kanyang post sa X, sinabi ni Lacson na kabilang sa mga kuwestiyonableng proyekto ang ilang slope protection at drainage projects na nagkakahalaga ng tig-P100 milyon, na bahagi umano ng mahigit P2 bilyong alokasyon mula sa P6.79 bilyong budget insertions ni Cayetano sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act (GAA).

Ayon kay Lacson, wala na umanong urungan sa kanyang pagsisiwalat ng mga hinihinalang ghost projects sa lungsod.

Iginiit din ng senador na ang ilan sa mga naturang proyekto, kabilang ang mga iniugnay sa kumpanyang pagmamay-ari ng pamilyang Discaya, ay nagsimula pa noong 2019 at 2020 nang si Cayetano pa ang Speaker ng Kamara de Representantes.

--Ads--

Sinabi pa ni Lacson na patuloy siyang mangangalap ng karagdagang ebidensya kaugnay ng umano’y budget insertions ni Cayetano, kabilang ang alegasyon ng 25 porsiyentong kickback mula sa mga slope protection at iba pang infrastructure projects.

Ayon pa sa senador, sa kabuuang P6.79 bilyong budget insertions sa ilalim ng 2025 national budget, 68 sa 70 proyekto ang naipatupad, habang ang natitirang dalawang proyekto na nagkakahalaga ng P75 milyon ay hindi nailabas o hindi naobliga ang pondo.