Iginiit ni Senador Jinggoy Estrada na gagamitin niya ang lahat ng legal na remedyo kaugnay ng kasong isinampa laban sa kanya sa Sandiganbayan.
Ayon sa senador, kasalukuyan nang inihahanda ng kanyang mga abogado ang mga kaukulang hakbang upang maipakita umano ang mga iregularidad sa proseso at mga ebidensyang hindi umano nabigyan ng sapat na konsiderasyon.
Kabilang aniya rito ang liham mula sa Senate Legislative Budget Research and Monitoring Office o LBRMO na nagsasaad na walang rekord na siya ay nagpasok ng anumang insertion sa 2025 national budget.
Iginiit din ni Estrada na hindi umano siya nabigyan ng sapat na pagkakataon upang mapag-aralan ang mga resolusyon ng Department of Justice at Ombudsman bago maisampa ang kaso, bagay na aniya’y may implikasyon sa kanyang karapatan sa due process.
Binanggit din ng senador na naging mabilis umano ang pag-usad ng mga kaso laban sa ilang miyembro ng majority bloc matapos ang pagpapalit ng liderato sa Senado.
Sa kabila nito, sinabi ni Estrada na ipagpapatuloy niya ang paghahanap ng katotohanan at pagtatanggol sa kanyang pangalan sa tamang forum at alinsunod sa batas.
--Ads--










