Iginiit ng isang constitutional law expert na dapat umiwas ang mga senator-judges sa pagpapakita ng pagiging partisan upang mapanatili ang integridad at kredibilidad ng nagpapatuloy na impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo “Egon” Cayosa, constitutional law expert, sinabi nitong positibong hakbang ang naging desisyon ng prosecution na hindi na iharap pa ang ilan sa kanilang mga testigo dahil sapat na umano ang naipresentang ebidensya upang patunayan ang mga pahayag ng Bise Presidente at ang isinagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ayon kay Atty. Cayosa, makatutulong ito upang hindi na humaba pa ang pagdinig dahil marami sa mga detalyeng tinatalakay ay matagal nang alam ng publiko at kumalat na rin sa social media. Gayunman, sinabi niyang nananatili pa rin ang problema dahil may ilang senator-judges na tila kumikiling sa isang panig sa paraan ng kanilang pagtatanong.
Aniya, bagama’t nauunawaan niyang may kanya-kanyang political interests ang mga senador, dapat nilang isantabi ang kanilang personal na pananaw sa oras na umupo sila bilang impeachment judges alinsunod sa kanilang sinumpaang tungkulin at sa Senate Rules on Impeachment.
Binigyang-diin din ni Atty. Cayosa na hindi dapat gawing criminal trial ang impeachment proceedings dahil ang pangunahing layunin nito ay alamin kung ang mga naging aksyon ng Bise Presidente ay maituturing na betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution, o iba pang impeachable offenses, at hindi ang pagtalakay sa bawat teknikalidad ng ebidensya.
Dagdag pa niya, dapat ding paalalahanan ng impeachment court ang magkabilang panig na iwasang magsalita sa publiko tungkol sa merito ng kaso dahil ipinagbabawal ito sa ilalim ng Rule 19 ng Senate Rules on Impeachment, upang hindi maimpluwensyahan ang opinyon ng publiko at mapanatili ang maayos, patas, at mabilis na pag-usad ng paglilitis.










