Nagbigay ng malaking pag-asa sa Pilipinas ang makasaysayang pagkapanalo ng silver medal ng Gilas Pilipinas women’s team sa FIBA 3×3 Asia Cup sa Singapore, lalo na sa hangaring makapasok sa 2028 Los Angeles Olympics.
Ayon kay Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Ricky Vargas, isang malaking karangalan ang maging pinakamahusay na koponan sa Asya sa naturang torneo.
Dagdag pa niya, malaking tulong ang tagumpay na ito sa layunin ng SBP na makapasok sa 2028 Olympics sa Los Angeles.
Sang-ayon naman si SBP program director Ryan Gregorio, na nagsabing isang mahalagang yugto ang naturang torneo para sa 3×3 program ng bansa.
Binigyang-diin din niya na naging susi sa tagumpay ang suporta mula sa mga professional at collegiate leagues, pati na rin ang tiwala ng kanilang mga sponsor sa programa at sa pangarap na makapasok sa Olympics.
Muling haharap sa mas matinding pagsubok ang koponan sa FIBA 3×3 World Cup Qualifier ngayong weekend sa Singapore, kung saan ang top three teams ay direktang makakapasok sa World Cup na gaganapin sa Hunyo sa Warsaw, Poland.
Kabilang ang Pilipinas sa Pool B kasama ang Brazil at host na Singapore.
Makakalaban din para sa slots sa World Cup ang Hungary, Lithuania at Egypt.
Inaasahang lalaro sina Kacey dela Rosa, Mikka Cacho, Afril Bernardino at Chezka Apag sa naturang torneo, habang kabilang din sa opisyal na lineup si Reynalyn Ferrer.






