Inaprubahan ng mga mambabatas sa Turkiye ang isang panukalang batas na naglalayong higpitan ang paggamit ng social media ng mga batang wala pang 15 taong gulang, ayon sa state media.
Ang bagong batas ay bahagi ng pandaigdigang hakbang upang protektahan ang kabataan mula sa mapanganib na online activities, kasunod ng mga katulad na regulasyon sa Australia at Indonesia.
Ang batas ay mag-uutos sa mga social media platforms na maglagay ng age‑verification systems, parental control tools, at mabilis na pagtugon sa mga nilalamang itinuturing na mapanganib. Kabilang sa mga platform na sakop nito ang YouTube, TikTok, Facebook, at Instagram.
Mayroon ding probisyon na nag-aatas sa mga online gaming companies na magtalaga ng kinatawan sa Turkiye upang masiguro ang pagsunod sa regulasyon. Ang mga lalabag ay maaaring patawan ng multa at bawasan ang internet bandwidth.
Ang pagpasa ng batas ay kasunod ng trahedya sa Kahramanmaras, kung saan isang 14-anyos na estudyante ang bumaril at pumatay ng siyam na mag-aaral at isang guro. Iniimbestigahan ng pulisya ang online activity ng suspek upang matukoy ang motibo.
Sa isang talumpati, binigyang-diin ni Pangulong Recep Tayyip Erdogan ang pangangailangan na bawasan ang panganib ng social media sa kabataan: “We are living in a period where some digital sharing applications are corrupting our children’s minds, and social media platforms have, to put it bluntly, become cesspools,” aniya.
Gayunpaman, tinuligsa ng pangunahing oposisyon na Republican People’s Party (CHP) ang panukala, na nagsabing dapat protektahan ang mga bata gamit ang mga polisiya na nakabatay sa karapatan, hindi sa pagbabawal.








