--Ads--

Nakalusot ang Spain sa quarterfinals ng FIFA World Cup matapos nitong makuha ang 1-0 panalo laban sa Portugal sa kanilang Round of 16 match sa Dallas Stadium.

Matapos ang mahigit 90 minutong bakbakan at matinding depensa ng magkabilang panig, nakuha ng Spain ang panalong goal sa stoppage time sa tulong ng dalawang substitute players. Nagbigay si Ferran Torres ng eksaktong pasa kay Mikel Merino na agad nagpasok ng goal upang tuluyang mabasag ang walang iskor na laban.

Kapwa nagtala ng maraming pagkakataon ang Spain at Portugal sa buong laro ngunit nabigo silang makapagpasok ng bola sa net dahil sa mahusay na depensa ng goalkeepers ng magkabilang panig.

Pinangunahan ni Cristiano Ronaldo ang opensiba ng Portugal at nakapagtala ng ilang tira sa net, habang sina Mikel Oyarzabal at Alex Baena naman ang nanguna sa Spain.

--Ads--

Nananatiling walang talo ang Spain sa torneo at lalo pang pinatibay ang kanilang matatag na depensa matapos muling makapagtala ng clean sheet.

Sa panalo, umabante ang La Roja sa quarterfinals habang tuluyan nang nagtapos ang kampanya ng Portugal sa World Cup.