CAUAYAN CITY- Isang matagumpay na operasyon ang isinagawa ng Cauayan City Police Station na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang indibidwal na sangkot umano sa pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot sa Brgy. Tagaran, Cauayan City, Isabela.
Kinilala ang suspek na si alyas “Ruben” na isang Street Level Individual (SLI) na napasakamay ng mga otoridad sa ikinasang anti-illegal drug buy-bust operation sa pangunguna CDEU Cauayan CCPS katuwang ang RMU2, at PIU/PDEU Isabela, sa koordinasyon ng PDEA RO2 sa Heaven’s Garden, Brgy. Tagaran, Cauayan City.
Sa isinagawang operasyon, nakuha mula sa pangangalaga at kontrol ng suspek ang dalawang (2) plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang tuyong dahon ng marijuana, isang (1) P500.00 bill (buy-bust money), isang (1) P1,000.00 bill at isang (1) OPPO A20 Android phone.
Ang mga nasamsam na ebidensya ay maayos na minarkahan at inimbentaryo sa harap ng suspek, na sinaksihan ng DOJ Representative at Barangay Captain at Kagawad ng nasabing lugar.
Matapos ang dokumentasyon, ang suspek at ang nakumpiskang ebidensya ay dinala sa Cauayan CCPS para sa kaukulang disposisyon.