Personal na binisita ni Governor Jose “Jing” Gambito ang burol ni Elyza Esmeralda, ang mag-aaral ng Nueva Vizcaya State University na karumal-dumal na pinaslang at natagpuang walang buhay sa Barangay Maddiangat, bayan ng Quezon, noong Pebrero 12.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, ipinarating ng gobernador ang kanyang pakikidalamhati sa pamilya ng biktima at nagbigay ng tulong pinansyal.
Ayon kay Gov. Gambito, agad siyang nag-utos sa Philippine National Police (PNP) na tutukan ang kaso upang matiyak na walang makatatakas sa batas na responsable sa krimen.
Agad namang nadakip ang suspek at sinampahan ng kasong murder. Patuloy pa ring iniimbestigahan ng pulisya kung may kaugnayan din sa posibleng panggagahasa sa biktima.
Una nang kinilala ang suspek na si alyas “Ernie,” 33 taong gulang, binata, tricycle driver, at residente ng Brgy. Maddiangat, Quezon, Nueva Vizcaya, bilang person of interest. Noong Pebrero 13, 2026, dahil sa tumitinding tensyon mula sa mga nakalap na ebidensya, sumuko siya sa mga awtoridad, inamin ang krimen, at kasalukuyang nasa kustodiya ng Quezon Police Station para sa dokumentasyon at karagdagang imbestigasyon.
Nakolekta na ang mahahalagang ebidensya na isasailalim sa forensic examination upang makatulong sa mas masusing imbestigasyon.
Samantala, dagdag pa ng Gobernador, nag-alok din ang ito ng scholarship sa lalaking kapatid ng biktima, lalo na nang malaman na may karamdaman ang kanilang ama na sumasailalim sa chemotherapy, habang pagpapasada ng traysikel ang kanilang ikinabubuhay. Pumanaw na rin ang ina ng biktima.
Patuloy namang umaasa ang pamilya ng biktima na tuluyang makakamit ang hustisya para sa sinapit ng kanilang kaanak.











