--Ads--

Arestado ang isang 24-anyos na lalaki sa ikinasang entrapment operation ng pulisya matapos umano nitong ibenta online ang nawawalang motorcycle helmet ng isang residente sa Ilagan City, Isabela nitong Huwebes, Setyembre 17.

Kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas na “Ruben,” residente ng Barangay Magdalena, Cabatuan, Isabela.

Ayon sa biktima na tinukoy sa alyas na “Jay,” nawawala ang kaniyang puting Sec Modular helmet na may nakakabit na intercom matapos itong iwan sa kaniyang motorsiklo na nakaparada sa kaniyang opisina sa Xinchuan, Barangay Arusip, Delfin Albano.

Nang hanapin online ng biktima ang nawawalang helmet, nakita umano niya itong ibinebenta ng suspek. Dahil dito, nakipag-ugnayan siya sa pulisya na nagsagawa ng entrapment operation sa harap ng isang supermarket sa Barangay Calamagui 2nd.

--Ads--

Dakong alas-9:50 ng umaga nang maaresto ang suspek matapos umanong ibenta ang helmet sa halagang ₱1,800 gamit ang marked money at boodle money.

Narekober din sa suspek ang isang sachet na naglalaman umano ng shabu, gayundin ang tatlo pang helmet, pera, isang bag, motorsiklo at Oppo Reno 7 smartphone.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso, habang ipinadala naman sa laboratoryo ang hinihinalang ilegal na droga para sa pagsusuri.