Patay ang tatlong katao sa isinagawa airstrike ng militar ng Estados Unidos ang isang bangka sa Caribbean Sea kamakailan, bahagi ng nagpapatuloy na serye ng mga pag-atake simula noong Setyembre 2025.
Ayon sa U.S. Southern Command, isinagawa nila ang “lethal kinetic strike” laban sa bangkang pinaghihinalaang sangkot sa pagba-byahe ng droga, ngunit hindi nagbigay ng ebidensiya para dito.
Ipinakita ng Southern Command ang video ng pag-atake na nagpapakita ng missile strike sa bangka. Ito ang pinakahuling pag-atake ng US na nagtaas sa kabuuang bilang ng mga pinatay sa mga ganitong operasyon sa Caribbean at eastern Pacific sa 133 katao mula nang simulan ang kampanya.
Iginiit ng U.S. military na ang target ay mga “narco-terrorists,” ngunit iginiit ng mga eksperto sa international law at karapatang pantao na ang ganitong mga pag-atake ay maaaring ituring na extrajudicial executions o pagpatay na walang legal na proseso.
Nitong nakalipas na linggo, dalawang tao rin ang napatay sa isang pag-atake ng U.S. forces sa isang bangka sa eastern Pacific Ocean, habang iniulat na may isang nakaligtas.











