Tatlong eroplano pandigma ng US, F-15E Strike Eagle, ang “aksidenteng” pinabagsak ng depensa ng Kuwait habang nagpapatuloy ang magkasanib na opensiba ng Washington at Israel laban sa Iran, ayon sa pahayag ng militar ng Amerika.
Lumabas ang mga footage nitong Lunes na nagpapakita ng isang F-15E na umiikot pababa habang nagliliyab ang buntot nito. Sa isa pang video, makikitang tumalon palabas ang dalawang piloto gamit ang ejector seats na kalaunan ay natagpuang buhay at tinutulungan ng mga lokal para madala sa ospital.
Ayon sa US Central Command (CENTCOM), lahat ng anim na piloto ay ligtas na nakalabas, at nasa maayos na kondisyon. Kinilala ng Kuwait ang insidente at nagpahayag ng pasasalamat ang US sa tulong ng Kuwaiti defense forces.
Sinabi ng Kuwaiti Ministry of Defence na ilang eroplano ng US ang bumagsak at iniimbestigahan na ang sanhi.
Samanatala, inihayag ni US Defense Secretary Pete Hegseth, layunin ng operasyon na sirain ang mga missile, hukbong-dagat, at iba pang imprastruktura ng seguridad ng Iran.







