
CAUAYAN CITY – Nahaharap sa kasong Alarm and Scandal ang tatlong Indian National sa Purok Dos, Brgy. Plaridel, matapos manggulo at nagpaputok pa ng baril.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan mula sa SCPO Station 2 ang mga pinaghihinalaan na sina Kuldeep Singh, tatlumput apat na taong gulang, may asawa, may trabaho; Randeep Singh, dalawamput pitung taong gulang, may asawa, negosyante at Rakwish Kumar, tatlumput apat na taong gulang, binata, pawang indian national at pansamantalang naninirahan sa Barangay Plaridel, Santiago City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PMajor Michael Rey Ragual, hepe ng SCPO Station 2 na sa isinagawang imbestigasyon ng kanilang mga kasamahan ay bago pa man nangyari ang insidente ay nanggaling umano sa inuman tatlong Indian National.
Nang papauwi na sa kanilang tinutuluyan ay nagsimula umanong manggulo at mag away-away ang tatlo sa daan na nagsanhi umano ng pagkabahala ng mga tao sa kanilang paligid.
Batay pa salaysay ng nakasaksi na si Mariss Enyong, nakita nito si Randeep Singh na umanoy nagpaputok ng baril.
Nakita naman sa pinangyarihan ng kaguluhan ang basyo ng bala ng caliber 45 bagamat bigong makuha sa pag-iingat ng tatlo ang baril na pinaputok.
Nahaharap sa kasong Alarm and Scandal ang tatlo na nasa pangangalaga ng SCPO Station 2.










