--Ads--

Tatlong indibidwal ang inaresto matapos ang tensyon sa isinagawang anti-mining barricade sa Barangay Paquet, Kasibu, Nueva Vizcaya, kaugnay ng pagpasok ng isang delivery truck na may dalang diesel na gagamitin sana sa road improvement project.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Florentino Daynos ng Anti-Mining Group, sinabi niyang tumutol ang mga residente sa pagpasok ng diesel dahil gagamitin umano ito para sa equipment ng mining company.

Ayon kay Daynos, may mga pulis na nag-escort sa truck at nauwi sa tensyon ang sitwasyon sa lugar. Kabilang umano sa mga inaresto sina Johnny Dugay, Pete Dugay at Lijin Dugay, na pawang sangkot umano sa pamamahala ng barikada. Aniya, sinampahan umano sila ng grave coercion at disobedience to authority.

Samantala, iginiit ni Daynos na wala umanong pagtutol ang mga residente sa road improvement project, ngunit nais nilang equipment ng municipal government ang gamitin sa proyekto at hindi ang kagamitan ng mining company.

--Ads--

Itinanggi rin niya na obstruction sa kalsada ang kanilang barikada, dahil aniya, malayang nakapapasok at nakalalabas ang mga ordinaryong sasakyan at tanging mga sasakyan at kagamitan umano ng mining company ang hindi pinapapasok.

Iginiit din ni Daynos na pribadong pag-aari umano ang lupang pinaglalagyan ng barricade, bagama’t ginagamit ng publiko ang daan.

Samantala, sinabi niyang patuloy ang pagtutol ng grupo sa mining activities sa Kasibu dahil umano sa kawalan ng konsultasyon sa mga residente.

Patuloy namang minomonitor ang sitwasyon sa lugar matapos muling tumaas ang tensyon sa pagitan ng mga nagba-babarikada at mga awtoridad.