Pinaigting ng City Population Development Office – Santiago City ang kampanya nito para sa kapakanan ng mga kabataan sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga Teen Center sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.
Sa Panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Mamerto Gabriel Jr., City Government Assistant Department Head 1 ng tanggapan, nakapagtayo na ang lungsod ng kabuuang 37 community-based Teen Center na nakapaloob sa 37 barangay. Bukod dito, mayroon ding tatlong Teen Center sa mga tertiary schools at 22 sa mga secondary schools. Dalawa rin ang matatagpuan mismo sa City Hall.
Ipinaliwanag ni Gabriel na layunin ng mga Teen Center na magsilbing ligtas na espasyo o pangalawang tahanan ng mga kabataan upang mailayo sila sa masasamang gawain at mapaglaanan ng positibong aktibidad ang kanilang oras.
Aniya, sa halip na mapunta sa bisyo o iba pang mapanganib na impluwensya, hinihikayat ang mga kabataan na magtungo sa mga nasabing pasilidad kung saan maaari silang makilahok sa iba’t ibang libangan.
Dagdag pa ng opisyal na pinangangasiwaan ng mga Sangguniang Kabataan Officials ang pagbabantay at pamamahala sa mga Teen Center upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng mga kabataang dumadayo rito.
Samantala, tinuturing ng tanggapan na mahalagang hakbang ang patuloy na pagpapalawak ng mga Teen Center bilang bahagi ng preventive approach ng lokal na pamahalaan laban sa pagtaas ng insidente ng juvenile delinquency at iba pang suliraning kinahaharap ng kabataan sa komunidad.











