--Ads--

Kinatigan ng Malacañang ang panukalang ipagbawal ang paggamit ng cellphone sa mga paaralan upang makatulong na maiwasan ang mga insidente ng karahasan at mapanatili ang kaayusan sa loob ng campus.

Ito ay kasunod ng direktiba ng isang alkalde sa Cebu na kumpiskahin ang mga cellphone ng mga estudyante simula ngayong Lunes at isauli lamang bago matapos ang school year.

Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, suportado ng Palasyo ang layunin ng total cellphone ban dahil makatutulong ito upang mas makapagpokus ang mga mag-aaral sa kanilang pag-aaral. Gayunman, sinabi niyang may pagdududa siya kung makatwiran ang parusang pagkumpiska ng gadget hanggang sa pagtatapos ng school year.

Binigyang-diin ni Castro na ang pagpapatupad ng mga polisiya hinggil sa cellphone use at confiscation ay nasa kapangyarihan ng mga pamunuan ng paaralan.

--Ads--

Sa ilalim ng direktiba ni Dumanjug Mayor Efren Gica, kukumpiskahin ang cellphone ng mga estudyanteng lalabag sa total ban at ibabalik lamang ito bago matapos ang kasalukuyang school year.Ayon sa alkalde, layunin ng hakbang na mahikayat ang mga estudyante na magpokus sa kanilang pag-aaral at magkaroon ng mas maraming pakikipag-ugnayan sa kanilang mga kaklase sa halip na maglaan ng oras sa paggamit ng gadgets.