--Ads--

Mukhang mas lalong bibigat ang trabaho ng mga guro sa pampublikong paaralan matapos lumabas sa guidelines ng Department of Education (DepEd) na sila rin ang magiging bahagi ng pagpapatupad ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program at Summer Remediation Program (SRP).

Ayon kay ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio, taliwas ito sa naging pangako ng DepEd noong budget deliberations noong nakaraang taon.

Giit niya, ipinaglaban nila ang ₱8.96 bilyong pondo para sana sa pagkuha ng tutors, learning materials, training, at maayos na kompensasyon. Kaya dapat ipaliwanag ng DepEd kung paano gagamitin ang pondo, lalo na sa pagbabayad ng overtime at dagdag na trabaho ng mga guro at tutor.

Nauna nang inilaan ang pondo para hindi mapasa sa mga public school teachers ang bigat ng programa, ngunit tila hindi ito nasusunod ayon sa mga ulat.

--Ads--

Sa kabila nito, kasama pa rin ang mga guro sa implementasyon ng programa mula May 6 hanggang June 2, kasabay ng kanilang paghahanda para sa Academic Year 2026–2027.