Nakatakdang isagawa ang ikatlong Trillion Peso March sa Edsa Shrine sa Pebrero 25, kasabay ng 40th anniversary ng EDSA People Power Revolution.
Ayon sa mga organizers, tatlong tema ang tampok sa martsa: ang pagdiwang sa nakaraan, pagkilos sa kasalukuyan at pagsisikap tungo sa isang kinabukasan kung saan nakamit ang mga layunin ng people power.
Sisimulan ang programa ng prayer march mula EDSA Shrine papuntang Club Filipino, bilang paggunita sa panunumpa ni dating Pangulong Corazon Aquino.
Susundan ito ng programa sa People Power Monument at misa sa EDSA Shrine na pangungunahan ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas.
Hindi lang sa Metro Manila gaganapin ang selebrasyon, kung saan magkakaroon din ng kani-kanilang aktibidad ang 86 Catholic dioceses sa buong bansa.
Ang kauna-unahang Trillion Peso March ay ginanap noong Setyembre 21, 2025 na sinundan naman noong Nobyembre 30, 2025.





