--Ads--

Pormal nang inihalal bilang bagong Pangulo ng Senado si Senator Alan Peter Cayetano sa ginanap na botohan sa plenary session ng Mataas na Kapulungan ngayong Lunes, Mayo 11.

Sa kabuuang 24 na senador na dumalo sa sesyon, nakakuha si Senator Cayetano ng 13 boto, sapat upang talunin si Senator Vicente “Tito” Sotto III na nakakuha ng 9 na boto. Dalawang senador naman ang nag-abstain.

Dahil dito, si Cayetano na ang ikaapat na lider ng Senado sa ilalim ng administrasyong Marcos. Matatandaang unang nagsilbi bilang Senate President si Sen. Juan Miguel Zubiri sa simula ng administrasyon, na sinundan ni Sen. Francis “Chiz” Escudero noong 2024, at Sen. Tito Sotto noong 2025.

Naganap ang balasahan sa liderato ng Senado sa gitna ng mainit na usapin hinggil sa Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte. Inaasahang tatawid ang reklamo sa Senado para sa isang ganap na impeachment trial sakaling makakuha ito ng kinakailangang boto mula sa Mababang Kapulungan.

--Ads--