Sa ikatlong pagkakataon sa loob lamang ng 12 araw, muling niyanig ang bayan ng Tuapse sa Black Sea, Russia nitong Martes matapos ang panibagong pag-atake ng drone mula sa Ukraine sa Rosneft-owned oil refinery.
Makapal na nakalalasong usok at naglalagablab na apoy ang umabot halos sa taas ng kabundukan ng Caucasus. Ayon sa mga awtoridad, tuluyan nang naapula ang sunog nitong Huwebes ng umaga, ngunit tulad ng dalawang naunang insidente noong Abril 16 at 20, tumagal ng ilang araw bago tuluyang maapula ang apoy.
Nagbuhos ng nakalalasong sangkap ang mga sunog na ito, na nagdulot ng tinaguriang worst environmental disaster sa rehiyon sa nakalipas na mga taon.
Matatagpuan ang Tuapse humigit-kumulang 70 milya mula sa Sochi, kilala bilang resort area sa Black Sea coast. Ang refinery ng bayan, na konektado sa isang marine terminal, ay mahalagang sentro ng pagpoproseso at pag-export ng langis ng Russia, dahilan kung bakit paulit-ulit itong tinatarget ng Ukraine.
Matapos ang halos dalawang linggo at tatlong sunod-sunod na pag-atake, ngayon lamang kumilos ang mga awtoridad. Ipinadala ni Pangulong Vladimir Putin ang kanyang emergencies minister na si Aleksandr Kurenkov upang pangunahan ang pagtugon.









