Umabot na sa 15 katao, kabilang ang tatlong bata, ang nasawi matapos tamaan ng limang guided aerial bomb ng puwersa ng Russia ang mga residential area sa lungsod ng Zaporizhzhia sa timog-silangang Ukraine.
Ayon sa emergency services ng Ukraine, 16 na iba pa ang nasugatan matapos mapinsala ang ilang apartment building at iba pang pasilidad sa lugar nitong Oktubre 10.
Patuloy ang search-and-rescue operations ng mga awtoridad upang mahanap ang mga posibleng nawawala at matukoy ang lawak ng pinsalang iniwan ng pag-atake.
Ayon naman kay Ukrainian President Volodymyr Zelensky, umabot sa 13 rehiyon ng Ukraine ang naapektuhan ng mga pag-atake ng Russia magdamag.
Nananatili sa lugar ang mga emergency responder habang nagpapatuloy ang operasyon sa gitna ng mga nasawi at pinsalang idinulot ng pambobomba.










