--Ads--

Mahigpit na binabantayan ng Public Order and Safety Division (POSD) ang sitwasyon sa Alicaocao Overflow Bridge sa Cauayan City kasunod ng patuloy na pagtaas ng lebel ng tubig.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi nitong patuloy pa rin ang mabilis na pagtaas lebel ng tubig naturang overflow bridge dahil sa walang tigil na pag-ulan.

Ayon kay Mallillin, mahigpit ang kanilang isinasagawang monitoring sa lugar upang matiyak ang kaligtasan ng mga motorista at residente na dumaraan sa naturang tulay.

Dahil sa mataas na tubig, marami nang mga pasahero ang nakapila upang makasakay sa mga bangkang inilaan bilang alternatibong transportasyon. Mayroon ding ilang sasakyan na napipilitang umikot at dumaan sa ibang ruta upang makarating sa kanilang destinasyon.

--Ads--

Patuloy namang pinaaalalahanan ng POSD ang publiko na umiwas sa pagtawid sa overflow bridge kapag delikado na ang kondisyon at sundin ang mga abiso ng mga awtoridad upang maiwasan ang anumang insidente.