--Ads--

Kasong Robbery ang maaaring kaharamin ng mag-ina na suspek sa laslas bag scheme na nagaganap sa pribadong pamilihan ng Cauayan City.

Maaalala na naaresto ng mga awtoridad ang mag-inang hinihinalang responsable sa serye ng paglaslas ng bag at pagnanakaw sa mga mamimili sa Cauayan City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLTCol Jerry Castillo, OIC Chief ng Cauayan City Police Station, sinabi nitong naaresto ang dalawang suspek bandang umaga noong Hulyo 1 sa vegetable section ng Cauayan City Public Market.

Ayon kay Castillo, napansin ng isang market marshal ang kahina-hinalang kilos ng mag-ina at agad silang binantayan.

--Ads--

Nahuli umano ang anak habang nilalaslas ang bag ng isang matandang babae, dahilan upang mabilis na makaresponde ang mga pulis na nagsasagawa ng anti-criminality patrol sa lugar.

Bukod sa unang biktima, may isa pang mamimili na napag-alamang nawalan ng wallet na kalauna’y narekober mula sa mga suspek.

Sa mas malalim na imbestigasyon, lumabas sa PNP crime database na ang mag-ina, na mga residente ng San Jose, Nueva Ecija, ay pawang may mahahabang rekord ng pagkakasangkot sa mga kasong robbery at theft sa Regions 1, 2 at 3.

Ayon sa pulisya, ang 40-anyos na anak ay nahaharap na sa 13 kaso, habang ang kanyang ina ay may tatlong naunang kaso.

Nadagdagan pa ang kanilang mga kinahaharap na reklamo matapos lumutang ang isang market vendor na nagsabing sila rin ang responsable sa pagnanakaw ng humigit-kumulang ₱80,000 na puhunan sana sa kanyang negosyo.

Sa kabuuan, tinatayang nasa 20 kaso na ang kinahaharap ng dalawang suspek.

Base sa imbestigasyon, ang anak ang siyang naglalaslas ng bag habang ang ina naman ang tumatanggap at nagtatago ng mga ninakaw na gamit. Kadalasan umanong binibiktima ng dalawa ang mga senior citizen at kababaihang namimili sa pampublikong pamilihan at mga establisimyento.

Naisailalim na sa inquest proceedings ang mag-ina habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya kaugnay ng iba pa nilang posibleng naging mga biktima.

Sa ngayon inaalam na rin ng PNP kung may iba pang ka samahan ang mga suspek na subject na sa follow up operation