--Ads--

Ipinag-utos ng Land Transportation Office (LTO) ang malawakang imbestigasyon sa LTO Region 7 matapos lumabas ang mga ulat tungkol sa umano’y korapsyon sa opisina.

Ayon sa pahayag ni LTO Chief Markus Lacanilao nitong Miyerkules, Pebrero 25, bubuo ang Central Office ng isang specialized team upang magsagawa ng masusing pagsisiyasat sa lahat ng operasyon ng LTO Region 7. Saklaw ng imbestigasyon ang mga transaksyong pinansyal, proseso ng lisensya at rehistrasyon, at pagpapatupad ng batas-trapiko.

“We will meticulously trace every lead, examine every document, and interview every relevant personnel until we identify and bring to justice those responsible for these alleged corrupt practices,” ani Lacanilao.

Dagdag pa niya, Hindi ito basta audit—ito ay isang masigasig na paghahanap ng katotohanan at pananagutan upang maibalik ang tiwala ng publiko sa LTO Region 7.

--Ads--

Tiniyak ng LTO Central Office na magiging patas at walang kinikilingan ang imbestigasyon. Anumang opisyal o empleyado na mapatunayang sangkot sa korapsyon ay haharap sa legal at administratibong parusa.

Ang hakbang na ito ay kasunod ng umano’y pag-kompronta ni Giovanni Lopez, Secretary of Transportation, sa dalawang opisyal ng LTO Region 7 noong Pebrero 20 sa Mactan-Cebu International Airport.

Ito ay matapos makarating ang impormasyon sa Department of Transportation na may ilang opisyal na nangongolekta ng ₱8 milyong buwanang payola, na sinasabing para sa Central Office at isang “ranking undersecretary.”