Pinayuhan ng US Embassy sa Maynila ang kanilang mga kababayan na iwasan ang ilang lugar sa Pilipinas na may presensya ng New People’s Army (NPA).
Ayon sa embahada, kabilang sa mga itinuturing na “areas of heightened concern” ang mga bulubunduking bahagi ng Leyte, Mindoro, Negros, at Samar dahil sa mga kamakailang ulat ng sagupaan na nagresulta ng pagkasawi.
Kasabay nito, muling nagbabala ang embahada laban sa pakikipag-ugnayan sa NPA, na kapwa itinuturing ng Estados Unidos at Pilipinas bilang isang foreign terrorist organization.
Pinaalalahanan ang mga American nationals na ang anumang paglapit o kaugnayan sa grupo ay maaaring magdulot ng seryosong panganib tulad ng pag-aresto, pagkasugat, o pagkamatay.
Ayon pa sa US Embassy, may mga ulat ng pangangalap ng mga kasapi at panawagan ng suporta mula sa mga dayuhan para sa mga armadong grupo.
Dahil dito, hinihikayat ang mga Amerikano na umiwas sa mga kahina-hinalang aktibidad at agad lisanin ang lugar kung makatagpo ng mga armadong indibidwal na hindi kabilang sa awtoridad ng pamahalaan.











