Naghigpit ng seguridad ang Estados Unidos kasabay ng paggunita sa ika-25 anibersaryo ng 9/11 attacks noong 2001.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Marissa Pascual, mahigpit ang seguridad sa Estados Unidos tuwing anibersaryo ng pag-atake, lalo na sa mga paliparan.
Muling nagtipon ang mga pamilya ng mga nasawi sa Lower Manhattan upang basahin ang mga pangalan ng mga biktima. Nagsagawa rin ng mga seremonya sa Pentagon at Shanksville, Pennsylvania para sa mga nasawi sa Flight 93.
Ngayong ika-25 anibersaryo, unang isinama ang ikapitong moment of silence para sa mga first responder at survivors na kalauna’y namatay dahil sa mga sakit na iniuugnay sa toxic dust mula sa pagbagsak ng World Trade Center. Magiging permanenteng bahagi na ito ng taunang paggunita.
Ibinahagi rin ni Pascual na tila eksena sa pelikula ang nangyaring pag-atake noong 2001 at nagsilbi itong paalala na kahit ang pinakamakapangyarihang bansa ay hindi ligtas sa banta ng terorismo.










