--Ads--

Pormal nang hiniling ng Estados Unidos ang extradition o pagpapa-uwi sa kanilang bansa kay pastor at televangelist na si Apollo Quiboloy upang harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanya kaugnay ng umano’y sex trafficking at sekswal na pang-aabuso sa kanyang mga tagasunod.

Si Quiboloy, na nagtatag ng Kingdom of Jesus Christ at kilala bilang “Appointed Son of God,” ay kabilang sa mga most wanted ng FBI sa Estados Unidos. Nahaharap siya roon sa kasong umano’y pagpapatakbo ng isang sex trafficking operation kung saan tinatakot umano ang mga biktima at pisikal na pang-aabuso.

Mariing itinanggi ni Quiboloy ang mga akusasyon laban sa kanya.

Ayon kay Jose Manuel Romualdez at sa Department of Foreign Affairs, naipadala na ang pormal na kahilingan ng Estados Unidos sa Department of Justice (DOJ) ng Pilipinas.

--Ads--

Sinabi naman ng abogado ni Quiboloy na hindi pa sila makapagbibigay ng komento dahil wala pa silang natatanggap na opisyal na abiso hinggil sa naturang kahilingan.

Hindi agad maisasakatuparan ang extradition dahil kailangan munang suriin ng DOJ ang kahilingan ng Estados Unidos bago ito ihain sa korte sa Pilipinas, na siya namang magsasagawa ng pagdinig at pagsusuri sa kaso.

Bukod sa mga kasong kinahaharap niya sa Amerika, nahaharap din si Quiboloy sa ilang kasong kriminal sa Pilipinas kabilang ang umano’y pang-aabuso sa isang menor de edad. Siya ay inaresto noong Setyembre 2024 sa loob ng 30-ektaryang compound ng KOJC sa Davao City. Patuloy niyang itinatanggi ang lahat ng paratang laban sa kanya.

Si Quiboloy ay matagal ding kilalang kaalyado at kaibigan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at may milyon-milyong tagasunod sa bansa, kung saan malaki ang impluwensiya ng mga lider-relihiyoso sa politika.