Inaasahan ng Department of Justice o DOJ ang isang “major development” ngayong taon kaugnay ng extradition request ng United States para sa founder ng Kingdom of Jesus Christ o KOJC na si Apollo Quiboloy.
Ayon kay Quezon 4th District Representative Keith Micah Tan, ito ang commitment ng DOJ sa isinagawang budget deliberations sa Kamara.
Sinabi ni Tan na tiniyak umano ng DOJ na magkakaroon ng malaking development sa usapin bago matapos ang taon.
Sinabi naman ni Akbayan Party-list Representative Percival Cendaña na pananagutin nila ang DOJ sa naturang commitment at hinihintay ang magiging progreso sa extradition case ni Quiboloy.
Kasalukuyang nakakulong si Quiboloy sa Pasig City dahil sa mga hiwalay na kasong kinakaharap sa Pilipinas. Nahaharap din siya sa mga kasong kriminal sa California, kabilang ang conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion, sex trafficking of children at iba pang kaso.
Pormal na hiniling ng United States ang extradition ni Quiboloy noong Agosto. Kasalukuyang tinatapos ng DOJ ang pagsusuri sa mga dokumento at inihahanda ang petition na ihahain sa korte. Kapag naisampa na, ang Regional Trial Court ang magsasagawa ng proseso at magpapasya sa naturang kahilingan.











