Sumampa sa P18.13 trilyon ang kabuuang utang ng Pilipinas noong Enero 2026 matapos i-frontload ng administrasyon ang pag-iisyu ng utang upang makakuha ng mas mababang interes, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr).
Batay sa datos ng BTr, mas mataas ito ng 2.41% kumpara sa P17.707 trilyon noong Disyembre, at 11.16% namang mas mataas kumpara sa P16.312 trilyon noong Enero 2025.
Sa isang pahayag, sinabi ng BTr na nananatiling “sustainable” ang kasalukuyang antas ng utang sa kabila ng mga hamon sa lokal at pandaigdigang ekonomiya.
Ipinaliwanag ng ahensya na ang month-to-month increase ay dulot ng estratehiya ng gobyerno na agahan ang pangungutang sa loob at labas ng bansa upang makasiguro ng concessional financing terms bago pa posibleng tumaas ang interest rates dahil sa global uncertainties.
Sa kabuuang utang, P12.324 trilyon o 68% ang domestic debt. Mas mataas ito ng 1.72% mula sa P12.116 trilyon noong nakaraang buwan at 11.19% kumpara sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
Ayon sa BTr, nagkaroon ng net incurrence na P208.05 bilyon sa government securities, bunsod ng mas pinaigting na pag-asa sa lokal na pinagkukunan ng pondo. Umabot naman sa P0.47 bilyon ang halaga ng foreign currency-denominated domestic securities.
Samantala, lumobo sa P5.809 trilyon ang external debt, mas mataas ng 3.89% mula sa P5.591 trilyon noong Disyembre at 11.10% kumpara sa P5.228 trilyon noong Enero 2025.
Iniuugnay ng BTr ang pagtaas ng external debt sa pag-iisyu ng bagong global bonds at sa P191.02 bilyong net availments ng official development assistance mula sa international development partners. Nakaapekto rin dito ang pagtaas ng halaga ng foreign currency-denominated debt dahil sa paghina ng piso.
Nagsara ang palitan ng piso sa P58.84 kada dolyar noong unang trading day ng Enero at nagtapos ang buwan sa P58.86 kada dolyar, bahagyang mahina kumpara sa P58.79 kada dolyar noong huling trading day ng Disyembre 2025.









