Humarap ngayong Biyernes, Abril 24, sa Sandiganbayan ang state witness na si dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Roberto Bernardo.
Matatandaang hindi siya nakadalo sa naunang bail hearing nina Ramon Revilla Jr. at ng iba pang akusado dahil sa karamdaman, ayon na rin sa kumpirmasyon ng resident doctor ng korte.
Sa kaniyang pagharap, nakasuot si Bernardo ng face mask alinsunod sa utos ni Karl Miranda, chairperson ng Third Division ng Sandiganbayan.
Sa kaniyang testimonya, isiniwalat ni Bernardo ang umano’y tatlong beses na cash delivery kay Revilla.
Ayon sa kaniya, personal niyang ibinigay ang unang anim na kahon at isang paper bag na naglalaman ng P125 milyon noong Disyembre 2024. Kasama umano niya noon ang kaniyang driver na si Isko Dela Fuente.
Noong Pebrero 2025 naman, ang kaniyang aide na si Niño Garcia ang naghatid ng 13 kahon na naglalaman ng P250 milyon.
Ang ikatlong delivery ay naganap umano noong Marso 2025, kung saan personal niyang idineliver ang karagdagang P125 milyon na nakalagay sa anim na kahon.
Ang naturang bail hearing ay kaugnay ng kasong malversation na kinakaharap ni Revilla at lima pa niyang kapwa akusado, na may kinalaman sa umano’y “ghost” flood control project sa Pandi, Bulacan.











