--Ads--

Sumuko sa mga otoridad ang Vice Commander ng rebeldeng grupong Komiteng Rehiyon Cagayan Valley (KRCV) Komiteng Probinsya-Cagayan.

Ang rebelde ay kinilalang si alyas Kulot na nagsilbing intelligence officer at miyembro ng Komiteng Probinsya-Cagayan Henry Abraham Command bago naging Vice Commander ng kilusan.

Ayon sa pamunuan ng 2nd Cagayan Provincial Mobile Force Company (PMFC), dalawang dekada umano si alyas Kulot sa kilusan at sumuko ito sa tulong ng kanyang pamilya.

Ibinunyag din ni alyas Kulot na dahil umano sa gutom at kawalan ng pag-asa sa kilusan ang naging mitsa sa kanyang tuluyang pagsuko sa pamahalaan.

--Ads--

Personal na tinungo ng mga otoridad sa kabundukan ng barangay Dagupan, Lal-lo si alyas Kulot kung saan ito sumuko.

Kasunod nito ay ibinunyag din ng rebelde ang mga itinagong kagamitan katulad ng 95 na piraso ng 9mm dynamite; dalawang improvised explosive device (IEDs); tatlong 40mm HEDP; tatlong piraso ng improvised hand grenade; isang piraso ng hand grenade fragmentation; isang IED; iba’t ibang medical kit at writing materials; tatlong mobile phones; isang piraso ng flashlight; isang piraso ng hand held radio at charger; 29 piraso ng caliber 5.56 na mga bala; apat na magazines para sa M14 rifle; isang ammunition drum ng K3 LMG; dalawang bandolier; isang NDF flag at isang K3 light machine gun.

Si alyas Kulot ay itinuturing na Regional Topmost wanted sa Rehiyon Dos dahil sa mga kasong kinahaharap katulad ng robbery with arson, paglabag sa Republic Act 11479 (Anti-Terrorism Act of 2020), robbery, murder, attempted murder, and other mischief.