--Ads--

Handang sumailalim sa neuropsychological testing si Reina Mercedes, Isabela Vice Mayor Jeryll Harold Respicio sa gitna ng mga usapin tungkol sa kanyang naging asal sa sesyon ng Sangguniang Bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, iginiit ni Respicio na sa halip na ituon ang pansin sa kanyang personalidad o asal, dapat pagtuunan ng pamahalaan ang mga umano’y iregularidad sa pondo at mga proyekto sa kanilang bayan na kanyang kinukuwestiyon.

Sinabi niyang nakikita naman ng publiko ang mga dokumento at ebidensyang hinihingi sa kanya nina Governor Rodito Albano, DILG Secretary Jonvic Remulla at PCO Undersecretary Claire Castro.

Ayon sa bise alkalde, nais niyang matugunan ang mga hinaing ng mga magsasaka ng tabako at maimbestigahan ang mga umano’y iregularidad sa paggamit ng pondo at mga proyektong hindi naisakatuparan sa Reina Mercedes.

--Ads--

Iginiit din niya na nasa tanggapan umano ng alkalde ang mga dokumentong nais niyang masuri, ngunit hindi raw ito ibinibigay sa kanya. Wala rin umanong dumalo sa itinakdang pagdinig ng komite kahit may mga personalidad at kinatawan ng mga tanggapan na ipinatawag sa pamamagitan ng subpoena.

Dahil dito, nanawagan si Respicio sa lokal at pambansang pamahalaan na tulungan siyang maisampa ang mga kaukulang reklamo at maimbestigahan ang mga umano’y anomalya sa kanilang bayan.

Binigyang-diin niyang handa siyang masuspinde bilang bise alkalde basta’t maimbestigahan ang mga isyung inilalantad niya at maibigay ang nararapat na ayuda sa mga tobacco farmers.