Iniharap at ipinalabas sa Senate impeachment court ang bahagi ng video noong Nobyembre 2024 kung saan maririnig si Vice President Sara Duterte na nagsasalita tungkol sa umano’y pagpapapatay kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez, bilang bahagi ng ebidensyang inihain ng prosekusyon sa impeachment trial.
Ang video ay ipinakilala sa korte sa pamamagitan ng testimonya ni NBI Senior Agent John Mark Calilung, na nagsiyasat sa pagiging tunay ng online press conference na inilabas sa Facebook page ni Harry Roque.
Ayon kay Calilung, ang bahaging naglalaman ng kontrobersyal na pahayag ng Bise Presidente ay makikita mula ika-1 oras at ika-15 minuto hanggang ika-1 oras, ika-17 minuto at 18 segundo ng mahigit dalawang oras na video.
Pinayagan ng impeachment court na maipakita ang dalawang minuto at 18 segundong bahagi ng video upang makilala at mapatunayan ng testigo ang nilalaman nito bilang bahagi ng presentasyon ng ebidensya ng prosekusyon.
Sinabi ni Senate impeachment court Presiding Officer Francis Escudero na pansamantala itong pinayagang maiharap upang mapabilis ang pagdinig at masuportahan ang alegasyong inilalatag ng prosekusyon.
Gayunman, nilinaw ni Escudero na magkakaroon din ng pagkakataon ang depensa na magsumite ng sarili nitong mga ebidensya upang suportahan ang panig ng Bise Presidente.
Hiniling din ng prosekusyon na maisama bilang ebidensya ang kabuuang dalawang oras na video, bagaman nakatakda pang pagdesisyunan ng impeachment court kung ito ay tuluyang tatanggapin bilang admissible evidence.
Samantala, naninindigan ang kampo ni Duterte na ang kanyang mga naging pahayag ay saklaw ng kanyang karapatan sa malayang pagpapahayag na nakasaad sa Konstitusyon.











